BAKIT PAULIT-ULIT MAG-SAWSAW NG TUSOK-TUSOK ANG MGA PILIPINO?

KOMENTARYO 

PASINTABI: Kung kumakain ka ng ampalaya, hindi para sa iyo ang komentaryong ito.

Kung kumakain ka na ng “betamax” (dugo ng baboy) na parang nilaga lang at halos kasing-laki ng porkchop pati na ng higanteng isaw ng baboy na mistulang puno pa ng ebak at hinain nalang basta-basta sa harap mo, hindi rin para sayo ang komentaryong ito.

At kung nakakain ka na ng kaparehong ginayak sa Amerika ng kung sino lang – hindi ni Mang Narding, Kuya Islaw o Aling Bebang sa kanto niyo – aba lalong hindi ito para sayo. 

Pero pwede rin, ikaw nalang bahala tutal ay panlasa mo naman ‘yan. Teka nga pala, napanood mo nga ba nang buo ang tinutukoy dito?

--

Una sa lahat, maligayang pagbati kung umabot ka sa puntong ito dahil aminin mo man o hindi, mas madali ang mag-post at comment sa FB batay sa headlines at short clips, gumawa ng spliced videos at Tiktok reactions kaysa magbasa – o sa diskursong ito ay manood ng 25-minutong video. 

Siya nga pala, alam mo bang nasa bottom 10 ang Pilipinas sa reading comprehension sa buong mundo? Sabagay, nakakatamad naman talaga magbasa. Kaya kahit may gustong magpaliwanag, di bale nalang sabi nga ni Juan Tamad, este ni Juan Dela Cruz. Teka, may pagkakaiba nga ba?

Pero tara, subukan natin. 

Simula’t sapul, walang pakialam ang Pilipino sa mensahe. Ang tanging pinapahalagahan nila ay ang mensahero. Kahit gaano kaganda ang sinabi ng mensahero kung ayaw nila rito, hindi nila kailanman magugustuhan ang mensahe. Sa parehong paraan na kahit gaano kasama ang mensahe ng mensaherong gusto nila, hindi nila kailanman ito aayawan.

Tanungin mo pa sa paborito at ayaw nilang pulitiko kahit gaano kaganda at kapangit ang plataporma – kung meron nga bang plataporma.

Nakakatawa pero nakakalungkot. Napakababaw pero masalimuot. Gulo ‘no? 

Sa modernong panahong isang pindot lang lahat ay abot mo na ang mundo, nakakapagtakang walang pakialam ang Pilipino sa buo at klarong detalye. O sadyang Juan Tamad lang? Huhusgahan ka nila sa kung anong napanood nilang 10-segundong video at 1-linyang headline. At kung anomang reaksyon mo sa akala nilang tama, ayon at nararapat daw na reaksyon nila, wala na silang pakialam. ‘Yung iba meron pala, kasi para sa may troll army na unang umusbong dahil sa pulitika, mas may paki sila. Mas gusto nila ‘yun. May pera kada reaction at engagement. 

At sana kasama ka nilang kumikitq kasi sayang naman kung libre lang ang sayo.

“Ah basta maarte sila!” 

Maarte nga ba? At para sa iyo, ang pagpapakatotoong ‘yun ay pagtapak at pagyurak sa kulturang Pilipino? O ang mapagpanggap na tingin mo sa sarili mo ang natapakan nila? 

Kung streetfoods o ang anomang totoong reaksyon dito ang basehan mo ng national pride at identity ay baka hindi naman BINI ang problema mo. 

Baka ang mapagpanggap na ikaw ang may mababang tingin sa pagka-Pilipino na ang tanging maipagyayabang lamang sa mundo ay streetfoods.

Kasi kung ang kahulugan mo ng pagka-Pilipino o pagtaguyod sa pambansang karangalan at pagkakilanlan ay ang dapat na pagkagusto sa lahat ng pagkain at pagkakaroon ng magandang rebyu dito nang walang bahid ng katiting na pag-ayaw kuno ayon sa preference man lang (isaw ng baboy vs manok), baka hindi BINI ang dapat na kinukuwestiyon mong mababa ang tingin dito. 

Baka ganoon na lang kababa ang tingin mo sa kulturang Pilipino na para lang matanggap ito ng ibang lahi ay dapat perpekto. Walang butas, walang pintas, walang bahid o mantsa dahil sa kasong ‘yun hindi mo na ikinararangal ang Pilpinas bagkus ipinagyayabang na para lamang matanggap ng ibang lahi.

Ang pagiging Pilipino ay pagiging totoo. Walang halong pagpapanggap. Ang pagiging para Pilipinas ay pagiging tapat. Walang dapat pagtakpan. Ang pagiging para sa Pilipino at Pilipinas hindi isa kung ano ang gusto mo lang ipakita sa mundo. 

Ikaw siguro ang tipong makakayang magmalaki, taas-noo, kahit na pagpapanggap ang Ilog Pasig at Manila Bay lang ang mayroon sa Pinas habang mayroon namang El Nido, Coron at Boracay.

Dahil kung oo, isa tayong hangal kung streetfoods na tulad ng isaw, balut at betamax ang national pride na ‘yun habang mayroon tayong adobo, sinigang, sisig at lechon.

“Pwede naman nilang sabihin nang maayos na hindi kinukutya ang pagkaing Pilipino pero bakit ganoon ang reaksyon nila?” 

Sa kagustuhan mong i-angat ng BINI ang kung anong kagustuhan mo, maarte sayo ang pagpapakatotoo kahit na parehong reaksyon ang ipapakita mo sa nilagang betamax at higanteng isaw na baka ika-duwal o i-dura mo pa nga – na hindi nila nagawa. 

Sabagay, hindi mo nga naman talaga napanood nang buo dahil hindi mo alam mas marami silang pagkaing nagustuhan kaysa hindi. Mas marami silang magandang reaksyon kaysa hindi. At malinaw ang preference nila sa isaw ng manok (kaysa baboy), inihaw na betamax (kaysa parang nilaga), hopiang ube at monggo (kaysa baboy) na lahat ay kabaliktaran sa kung anong pinakain sa kanila doon. 

Kung inaasahan mong magugustuhan nila ang lahat ng pagkain at pepekein nila ang reaksyon dito na kahit sa bahay nyo ay pagde-debatehan kung gusto rin nila lahat, baka nasa maling video ka at hindi sa People vs Food na siyang pangunahing punto ng palabas. 

O baka sanay ka lang sa manufactured artist na panay kagandahan at kabutihan ang ipinapakita sa harap ng camera? 

Kung naaartehan ka sa taong naartehan sa reaksyon ng tao sa pagkaing universally preference-based lalo at streetfoods na hindi ipinagmamalaking national dishes/delicacies, hindi ba kaartehan din ‘yun?

Ang kaibahan nga lang, naitatago mo sa likod ng camera, PC o CP ang kaartehan mo habang kumakain ka ng buldak, sushi, samgyup at ramen kasabay ng panonood ng paborito mong K-Drama, C-Drama, Japanese anime o American series. 

Kasi ang tunay na hindi maarte ay walang pakialam sa maarte. Lalo na sa maarte sa pagkain lamang. Ang petty diba? Masyado mong binababawan ang arte sa katawan na kung hindi mo alam ay kasingkahulugan din ng kainggitan. 

Ang tunay hindi maarte. Hindi lang sa pagkain walang pakialam. Kundi pati na rin sa mga taong wala namang ginawa sayo — maliban sa kaartehan kunong naartehan ka rin. Di mo maarok kasi ganoon kalabo at kababaw ang kaartehan mo. 

Kung sinasabi mong hindi naman ang preference ng BINI sa pagkain ang kapintas-pintas kundi ang reaksyon nila, eh di wala ka ngang pake sa streetfoods na sinasabi mong batayan ng pagiging Pinoy, national pride at identity. 

Wala kang pakialam sa streetfood cookers at vendors. Hindi sa pagkain o a sa reaksyon ka nagkaproblema, sa BINI ka may problema. At malaking problema yun para sa kapakanan mo. Hindi nila. Hindi ng Pilipino at lalong hindi ng Pilipinas. 

Kasi kung sa reaksyon nila sa streetfoods ang batayan ng pag-hugas mo buong pagkatao at sa pagka-Pilipino nila, at hindi kung anomang mas malalaking bagay na nire-representa nila para sa Pilipinas, baka panahon na para manalamin ka at tanungin ang sarili mo kung paano mo ipinapamalas sa sariling paraan ang pagka-Pilipino. 

Sa pagkain ng lahat ng streetfoods? Sa pag-marka nito ng 10/10? Sa hindi pag-eww at yuck? Ganun ba? Kung kagaya mo ako. Baka husgahan kita dahil doon. Pero sa kabaliktaran, hindi. Hindi kailanman. 

Kasi ang bansang ito ay higit pa sa streetfoods lang. At kung ayawan mo ito, dumuwal ka, magsuka o dumura, hindi mababawasan ang pagka-Pilipino mo. 

Hindi ito ang batayan sa kung sino ang makabayan o hindi. Hindi ito ang basehan sa kung sino ang para sa mahirap o hindi. Kung sinong alta sociedad o hindi. 

Hindi streetfoods ang sukatan ng antas mo sa lipunan dahil kung pinanood mo nang buo ang 25-minutong video, malalaman mong ipinaalam pa nga ng BINI sa buong mundo ang kung hindi man kabuuan ay ang ibang mas masasarap na streetfoods. 

Kung pinanood mo nang buo, hindi nila ito inayawan bagkus inaming mayroon pang mas masasarap na uri nito. Halimbawa ay ang isaw ng manok, ang nagbabaga sa ihaw na betamax at ang hopiang ube at munggo bukod sa baboy. Pati na taho na di kasinglaki ng mata mo ang sago.

Kung hindi paglinang, pagpapayabong at pagmamalaki ng kulturang Pinoy iyon para sayo, baka ikaw ang klase ng Pilipino na magmu-mukbang sa ugbo sa Tondo, Sugbo Mercado sa Cebu at Roxas food market sa Davao pero sa Korean at Japanese food stalls lang ‘din kakain. 

Ang  kulturang Pinoy ay walang kaparis ang lawak  tulad ng lagpas na 7,000 isla ng bansa at hindi dapat nalilimitahan sa kalunsurang pananaw. Hindi lahat ng Pinoy taga-Maynila. Kaya dapat alam mong bawat putahe ay may iba’t ibang luto at sangkap tulad ng turon na kadalasan ay walang asukal sa Bicol.

Sabagay, anong alam ni Juan Tamad na naghihintay lamang na malaglag ang bayabas sa kanyang bibig? Anong alam ni Juan Tamad na naka-sentro ang paniniwalang sa lungsod lang umiikot ang pambansang karangalan at pagkakakilanlan? 

Na kung anong dapat na ginagawa sa siyudad ay siya na ring dapat na katanggap-tanggap na kultura sa rural. 

At oo, huwag na tayong tumungo pa sa pagggamit ng BINI ng Ingles na wika sa banyagang palabas habang Ingles ang gamit mo sa enrollment mula Grade 1, thesis para maka-graduate ng kolehiyo, job interview at maging sa trabaho sa pribado o gobyerno man. Sa ibang paaralan, kahit nga sa banyo — Ingles dapat.

Partida, nasa Pilipinas ka pa niyan.

Huwag kang ipokrito sa paggamit nila ng Ingles na wika sa banyagang YouTube channel na pinanood mo lang ng ilang segundo para hindi maistorbo ang panonood mo ng pinakabagong K-Drama o American series sa Netflix, HBO Max, Prime Video o Disney Plus. 

Dahil kung meron mang dapat mag-kuwestiyon sa BINI sa paghamak nila diumano sa kulturang Pinoy sa simpleng hindi pagka-gusto sa lahat ng streetfoods, hindi ang hamak na Pinoy netizen na nagtatago sa mga huwad na larawan ng Japanese anime, American cartoon character at K-POP idol. 

Kung meron man, tanging ang mga pagal na magsasaka at mangingisda lang na siyang pumupuno at umiibsan sa ating mga kalamnan at sikmura. Dahil sila lang ang tunay na walang arte sa katawan. Hindi ako, hindi ikaw, hindi tayong utang sa kanila ang produksyon ng pagkaing ayaw mo man aminin mo ay hindi mo tinatangkilik o kinakain lahat para sa pabor ng banyagang pagkain. 

Ampalaya.

Ayon sa mga kritisismo, BINI – sa pagkakataong ito – naman daw ang dapat na gumamit ng Salamin, Salamin para pag-isipan kung nakalinya pa sa pagka-Pilipino nila sa Islang Pantropiko ang kanilang adbokasiya at misyon para sa OPM. 

Dahil daw sa streetfoods lamang gayong taliwas sa kanilang kaalaman na Sampaguita – o ang pambansang bulaklak ng Pilipinas – ang modelo ng BINI sa kauna-unahang OPM automated, concert-sync light stick sa bansa. 

Taliwas sa kaalaaman nilang karamihan sa suot ng BINI – dito man o sa ibang bansa – ay gawa ng mga mananahing Pilipino na hindi binibigyang-pansin ng mga pinaka-sikat na artista sa Pilipinas. 

Taliwas sa kaalaman nilang BINI ang kauna-unahang P-POP group na gumamit ng sign language para sa mga may kapansanang Pilipino. 

Taliwas sa kaalaman nilang BINI ang kauna-unahang Pilipino na naging No. 1 artist sa sarili nating bakuran ng Spotify Philippines chart dahil sa pagkahumaling natin sa mga banyagang musikero kaya pasensya na kung tinamaan ka. 

Taliwas sa kaalaman nilang BINI ang kauna-unahang Pilipino na nakapagtanghal sa K-CON Festival at nanalo ng Best Asia Act sa MTV Awards. 

Taliwas sa kaalaaman nilang BINI ang kauna-unahang Pilipino na nakapasok sa Spotify Global Top Artists Chart.

Taliwas sa kaalaman nilang BINI ang kauna-unahang Pilipino na nakapagtanghal sa lagpas 60,000 fans sa pinakamalaking Pinoy Music World Tour sa kasaysayan ng bansa.

At dahil sa streetfoods ay nawala na lahat ng iyon at natapakan na nila ang pagka-Pilipino?  Nino? Mo? Ng isang keyboard warrior at bad social media influencer sa likod ng kanilang mga cellphone at computer?

Ang salamin ng Pilipino at Pilipinas ay hindi kayo kundi ang mga magsasaka, mangingisda, guro, doktor, abogado, inhiheryo, arkitekto, mamamahayag, accountant, streetsweepers, construction workers, tsuper, sundalo, pulis at lahat ng simpleng mamamayan na kumakayod araw-araw para sa Pilipinas – hindi para ipamalas ang crab mentality at toxic Fillipino culture dahil sa streetfoods lamang.

Iyon ang tunay na pag-yurak sa pagiging Pilipino, ang likas na pagkamuhi sa kapwa Pilipino na maging ang isang batang paslit na may seryosong karamdaman ay damay dahil tagahanga siya ng BINI?

Iyon ang tunay na pagsuway sa kultura, karangalan at pagkakilanlan ng Pilipinas na pati ang pamilya ng kada miyembro ng BINI ay damay dahil sa ano? Streetfoods? Gayong pamilya ang pinakamatibay na pundasyon ng pagiging Pilipino ay ng Pilipinas.

Hindi BINI ang may kagagawan nito. Kundi ako, ikaw, siya, sila. Tayo.

Sabagay, abot bumbunan nga naman ang standard at expectations natin sa artista habang kabaliktaran sa mga lider ng bansa na hanggang talampakan lang ang ang inaasahan natin at oo, masaya’t kuntento na tayo.

Tapos magtataka ka kung bakit nasa bottom 10 ng world reading comprehension at third-world country pa rin ang Pinas gayong mas mataas ang inaasahan mo sa streetfoods at OPM artist kaysa sa mga namumuno sa bansang ito? 

Makakain na na nga lang ng isaw, betamax, balut, hopia, turon at tahong kasinglaki ng tapioca pearls ang sago.

Teka, bakit nga ba paulit-ulit magsawsaw ng tusok-tusok ang mga Pilipino? Eww. Yuck! 

Kadiri. Arte! 








Comments

Popular Posts